PINAWALAN ng Quezon City Police District (QCPD) si Quezon City Mayoralty candidate 1st District congressman Vincent “Bingbong” Crisologo, anak niyang abogado, at 44 supporters makaraang ipag-utos ng Quezon City Prosecutors’ Office dahil sa kakulangan ng ebidensiya para sa kasong vote buying.
Ayon kay Assistant City Prosecutor Felomina Apostol Lopez, nakita niyang walang sapat na ebidensiya ang pulisya sa pagsasampa ng kasong vote buying laban sa kandidato at sa anak nitong si Atty. Frederick William, kaya inilagay ng piskalya ang kaso sa status na “for further investigation.”
Bukod sa mag-ama, ipina-utos din ang pagpapalaya sa 44 suporter ng mambabatas dahil rin sa kakulangan ng ebidensiya.
Sa ulat ng QCPD, inaresto ng mga operatiba ng Talipapa Police Station 3 ang mag-ama at 44 suporter sa isang bahay sa Brgy. Bahay Toro makaraang makatanggap ng impormasyon na may nagaganap na vote buying na kinasasangkutan ng mga akusado dakong 7:30 pm kamakalawa (12 Mayo 2019).
Pinosasan at dinala sa QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa Kampo Karingal, ang mag-ama maging ang mga suporter na kinabibilangan ng poll watchers.
Samantala, mariing pinabulaanan ng mag-amang Crisologo ang akusasyon ng vote buying.
Ayon kay Bingbong, nagtungo sila sa lugar dahil may tumawag sa kanilang tagasuporta at ipinagbigay-alam ang insidente nang pag-aresto sa kanilang mga watcher.
Agad tinungo ng mag-ama ang kanilang mga supporter para alamin ang nangyayayari pero inaresto at pinosasan sila ng mga operatiba. (ALMAR DANGUILAN)