MALIIT na ang tsansa na umusad muli ang peace talks sa kilusang komunista, ayon sa Palasyo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kailangan magpakita ng sinseridad ang kilusang komunista na maisulong ang kapayapaan bago magbalik sa hapag ng negosasyon ang gobyernong Duterte.
“Sinasabi niya (Duterte) laging mayroon siyang small window for peace talks provided na ‘yung nasa kabilang mesa ay tapat sa kanilang layunin,” aniya.
“Hindi ‘yung nagne-negotiate tapos ang dami nilang ina-assault, ina-ambush, sinusunog, pinapatay. Hindi naman po puwede ‘yun,” dagdag niya.
Kuwestiyonable na rin aniya ang kredibilidad ni CPP founding chairman Jose Ma. Sison sa kilusan.
“Ang problema, matapat ba siya at pinapakinggan ba siya ng mga tao niya? Ang problema baka hindi na siya pinapakinggan,” sabi ni Panelo.
Kamakalawa ng gabi ay inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na matutuwa siyang makasama sa impiyerno si Sison.
Tugon ni Sison, dapat ituloy ni Duterte ang peace talks kung nais na makaligtas sa impiyerno.
(ROSE NOVENARIO)