Mayor Binay ‘itinuro’ sa vote-buying (Ulat sa Bayan leaflets nabuyangyang)
NADAKIP ng NCRPO Regional Special Operations Unit (RSOU) ang walo katao na pinaghihinalaang tauhan ni Makati Mayor Abigail Binay sa kasong vote-buying.
Sa isinagawang operasyon sa pangunguna ni NCRPO chief, P/BGen. Guillermo Eleazar, naganap ang vote-buying sa Barangay Hall ng San Isidro, 2246 Marconi St., Makati City dakong 10:45 kagabi, 11 Mayo, 2019.
Base sa ulat, nadakip sina Karen May Matibag, barangay treasurer; Medlyn Joy Ong, barangay secretary; Marie Antoniette Capistrano, admin; Wenifredo M. Ong, Mario Luie M. Siriban, Adrian
Chiapoco, Joun Brian Matibag, at Ma. Liberty Dacullo.
Nabatid, nakita sa isinagawang operasyon na nakatakda silang mamahagi ng pera sa 55 katao.
“The arrest of the suspects stemmed from information received by the RSOU that there is ongoing vote buying and selling on the above mentioned area,” ayon sa ulat ni Eleazar.
Sinabi sa ulat na kaagad nagpadala ng operatiba ang NCRPO sa naturang lugar upang berepikahin ang impormasyon.
“Upon arrival in the area, the above mentioned suspects were caught in the act of vote-buying and selling,” banggit sa ulat.
“Immediately, the operatives informed them of their violations and effected arrest,” saad sa ulat ni Eleazar.
Nakompiska sa operasyon ang 829 piraso ng tig-500 pesos na nagkakahalaga ng P420,000; 19 assorted IDs, 2 boxes ng Ulat sa Bayan leaflets ni Mayor Binay, 20 cellphone, at listahan ng botante na may address at polling precinct.
Kaagad dinala sa NCRPO ang mga suspek at ang mga nakuhang ebidensiya.