PINAYAGANG makaboto si Senadora Leila De Lima ngayong darating na 13 Mayo midterm elections ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) matapos paboran ang kanyang inihaing Urgent Motion for Furlough.
Base sa inilabas na Order ni Muntinlupa RTC, Branch 205 Judge Liezl Aquiatan, pinayagan niyang gamitin ni De Lima ang kanyang karapatan sa pagboto sa ilalim ng escorted detainee voting system ng Commission on Elections (Comelec) sa pagitan ng 12:00 tanghali hanggang 2:00 pm sa 13 Mayo2019.
Iniutos ni Aquitan na si De Lima ang magbabayad sa lahat ng kakailanganing gastusin sa kanyang paglabas sa piitan.
Mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City hanggang sa kanyang precinct polling place sa Precinct No. 0648A, sa Sta. Rita School sa Parañaque City alinsunod sa escorted detainee voting system.
Bukod dito, ang akusadong senadora ay binawalan ng hukuman na magpainterbyu sa mga mamamahayag bago at pagkatapos niyang bomoto.
ni JAJA GARCIA