NAG-IBA ng tono ang Palasyo sa naunang ipinangalandakan na “oust Duterte plot matrix.”
Todo-tanggi na si Presidential Spokesman Salvador Panelo na galing kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ouster plot matrix.
Sa press briefing sa Malacañang, inilinaw ni Panelo na natanggap lamang niya ito galing sa hindi kilalang source.
Aniya, ipinalagay niya na ang natanggap na matrix at ang tinutukoy sa inilathalang balita ng Manila Times ay iisa.
Ikinunsulta aniya kay Duterte sa pamamagitan ng pag-uusap nila sa telepono at binigyan umano siya ng go signal ng pangulo na isiwalat ito sa publiko.
Ang ouster plot matrix ay ibinalandra ni Panelo sa media noong 22 Abril na tumutukoy sa umano’y sabwatan ng Rappler, Vera Files, Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at National Union of People’s Lawyers (NUPL) para patalsikin sa puwesto si Duterte.
Ngunit hindi masagot ni Panelo kung paano natawag na ouster plot ang Bikoy video.
“Hindi ko alam. Hindi ko alam iyong word na ouster plot,” sabi ni Panelo.
Hindi matukoy ni Panelo kung ano ang papel ni ‘Bikoy’ sa planong pagpapatalsik kay Duterte.
Noong nakalipas na linggo ay naghain ng petisyon ang NUPL sa Korte Suprema para maglabas ng writ of amparo, writ of habeas data at temporary protection order.
(ROSE NOVENARIO)