NAGPAHAYAG ng pagdududa si Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano sa dinakip na uploader umano ng video ni ‘Bikoy.’
Aniya, dapat masiguro na tama ‘yung taong dinampot’ at baka gagamitin lamang sa propaganda ng gobyerno.
“Dapat masigurong tamang tao ang naaresto at hindi peke na maaaring gagamitin sa propaganda ng gobyerno,” ani Alejano.
Aniya, hindi natatapos ang isyung inilahad ni “Bikoy” laban sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkaaresto sa suspek.
Aniya, dapat magkaroon ng imbestigasyon tungkol sa mga seryosong alegasyon ni ‘Bikoy.’
“The Bikoy exposé should not end with just the arrest of the alleged uploader of the videos. If indeed there is truth on the exposé, there must be a complete and thorough investigation,” aniya.
“Napakabigat ng mga alegasyon ni Bikoy na idinadawit ang pamilya ng Pangulo. Kung ito ay totoo, nakababahala dahil kung sino pa ang nasa administrasyon, sila pa ang maaaring nagpapapasok ng droga sa bansa,” paliwanag niya.
Aniya, ang aksiyon ng mga awtoridad sa isyung ito ay isang pagsubok sa sinseridad ng gobyernong Duterte na wakasan ang problema sa droga sa bansa.
“The authorities’ actions on this matter is a test of sincerity of the government to eradicate illegal drugs. Hindi lamang sa maliliit na user at pushers ang pinatutungkulan dito kundi mga puno’t dulo ng illegal drug trade sa loob ng bansa,” ayon kay Alejano.
(GERRY BALDO)