NANAWAGAN ang mga retiradong sundalo, pulis at mga sibilyan kay Pangulong Duterte na aktohan ang malawakang bilihan ng boto sa Lanao del Sur partikular sa Marawi City.
Ang apela ay suportado ng 675 botanteng gumawa ng mga affidavit na nagpapatunay sa nangyayaring katiwalian.
Ayon kay Atty. Salic Dumarpa, ang kumakatawan sa mga sibilyang botante, hiningi rin nila sa Commission on Elections (Comelec) na isailalim ang Lanao del Sur at Marawi sa kontrol ng komisyon.
Sa sulat na tinangap ng Presidential Complaints Center (PCC) sa Malacañang noong 30 Abril 2019, sinabi ng mga retiradong pulis, sundalo at ni Dumarpa na ang malawakang bilihan ng boto ay ginagawa ng ilang kandidato para gobernador, mayor, kongresista, at bise mayor sangkot ang mga kapitan ng barangay bilang tagapagbigay ng sample ballot na may kalakip na P6,000.
Ayon kay Dumarpa, ang 675 sinumpaang salaysay ay galing sa siyam na bayan ng Lanao del Sur kasama ang 122 mula sa Wao, 232 mula Pualas, 100 mula sa Piagapo, 88 mula sa Pagayawan, 55 mula sa Calanogas. 44 sa Lumbaca Unayan, 31 sa Saguiaran, isa sa Maguing at dalawa sa Poo na Bayabao.
Sinabi nila kay Duterte, ang mga kontribusyon ay mula kina Mamintal Adiong Jr., na tumatakbo bilang gobernador (P500 kada botante), bise gobernador Mujam Adiong (P500), Ansarrodin Adiong na tumatakbong kongresista (P1,000), Majul Gandamra na tumatakbong mayor ng Marawi (P3,000) at Anoar Rumoros, para bise alkalde (P1,000.)
Para patunayan ang kanilang alegasyon, inilakip nila Dumarpa ang retrato ng mga sampol ballot kung saan naka-stapeler ang P6,000.
Sa Wao, ang mga botante ay binigyan ng “claim cards” na may picture ng mga kandidato.
Ang mga “claim card,” ayon kay Dumarpa ay gagamitin sa pagkuha ng pera na kadalasan hawak ng mga kapitan ng barangay.
“The foregoing facts and circumstances have explicitly demonstrated that there are sufficient grounds for the declaration of failure of elections in the entire province,” ayon sa sulat ng mga retiradong pulis at sundalo kay Duterte.
“Your fears that dirty politicians will destroy the sanctity and credibility of the elections through massive vote-buying is now happening in the province of Lanao del Sur and in Marawi City,” ayon kay Dumarpa sa ibang liham sa pangulo.
“The foregoing electoral fraud is not isolated because it is also occurring in the municipalities identified and represented by those who signed the letter,” ani Dumarpa.
ni Gerry Baldo