PATAY at wasak ang mukha ng isang basurero makaraang barilin ng shotgun sa mukha ng guwardiyang kanyang pinagbantaang silaban sa Quezon City, nitong Lunes ng hapon.
Kinilala ni P/Capt. Roldan Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Mario Palma Nabia, 40, may live-in partner, basurero at walang permanenteng tirahan.
Agad naaresto ang suspek na si Merline Jovi Casas, 20, binata, security guard ng X-Pert Security Agency, residente sa Malabon City, at stay-in sa abandonadong Mandarin International Building na matatagpuan sa Landragon St., corner G. Araneta Ave., Brgy. Santol, QC.
Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Julius Raz ng CIDU, ang krimen ay nangyari dakong 3:05 pm (29 Abril), sa binabantayang abandonadong gusali ng suspek.
Batay sa pahayag sa pulisya ng nakasaksing si Efren Salem, abala siya sa pagtitinda ng mami sa labas ng gusali nang marinig at makitang lasing ang biktima habang inaaway ang kaniyang live-in partner na kinilalang si Linda Bosalana dahil sa selos.
Nang hindi sumasagot si Bosalana, at sa hindi malamang dahilan, nagulat ang guwardiya nang pagbalingan siya ni Nabia.
Hinarap ng biktima na may hawak na tubo at lata na may “urethane thinner” si Casas.
Inutusan ng biktima ang guwadiya na iwanan ang kaniyang binabantayang gusali at kapag hindi sumunod ay sasabuyan siya ng thinner sa mukha at saka sisilaban.
Bunsod nito, sunud-sunod na pinaputukan ng shotgun ng guwardiya ang biktima sa mukha at dibdib. Hinala ng awtoridad, posibleng ang guwardiya ang pinagseselosan ng biktima na kalaguyo ng kaniyang live-in partner kaya kaniyang kinompronta.
(A. DANGUILAN)