PATULOY ang pagdating ng blessings sa mga-iinang sina Sylvia Sanchez, Arjo at Ria Atayde. Si Ms. Sylvia bukod sa pagre-renew ng kontrata bilang Face of BeauteDerm sa CEO and owner nitong si Ms. Rhea Anicoche Tan, ay sumungkit muli ng Best Actress award sa 5th Sinag Maynila Filmfest para sa Jesusa.
Kaabang-abang din ang pelikula niyang OFW, The Movie at ang bagong TV series sa ABS CBN titled Project Kapalaran.
Sa panayam ng press kay Ms. Sylvia sa thanksgiving na ibinigay ng kanilang pamilya, inusisa siya ukol kina Arjo at Maine Mendoza, pati na ang pagkaka-link nina Ria at JM de Guzman. Pero sinabi ni Ms. Sylvia na hindi raw siya nakikialam sa love life ng mga anak.
“Bahala sila, matanda na sila. Wala na akong pakialam sa kanila. Buhay nila iyon, ayaw kong pakialaman. Hindi ko naman talaga pinanghihimasukan ang mga ganoong bagay, not unless pasaway na ang boyfriend o girlfriend nila, roon na ako nakikialam,” bulalas niya.
Kahit pinipilit ay umiwas din si Ms. Sylvia na mag-comment ukol kina Maine at Arjo. “Huwag na si Maine, kawawa na si Maine. Basta, huwag… hindi na iyan dapat pag-usapan,” saad ng premyadong aktres.
Sobra rin ang pasasalamat niya sa magagandang nangyayari sa career nilang mag-iina. “Nagpapasalamat ako sa Diyos, sobra-sobrang pasasalamat. Thank you is not enough na sabihin ko sa Diyos, basta, me and my God na lang kung anoman iyon. Happy ako, masaya kami. Walang reason para malungkot ako. Napakasama kong tao para malungkot ako sa mga natatanggap naming biyaya at okay ang pamilya namin,” sambit pa niya.
Sa maraming request naman na magsama-sama sa isang project sina Ms. Sylvia, Arjo, at Ria, ayon sa premyadong aktres ay hindi pa raw ito ang tamang panahon.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio