WALANG maasahang Labor Day package ang mga obrero mula sa administrasyong Duterte sa pagdiriwang ngayon ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa.
Sa press briefing sa Palasyo kahapon, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nasa kamay ng regional wage boards ang usapin ng umento sa suweldo.
Ayon kay Panelo, batid ng regional wage boards kung ano ang makabubuti sa panig ng mga manggagawa at employer.
May nauna nang pahayag si Labor Secretary Silvestre Bello III na ‘wag asahan ng mga manggagawa ang anunsiyo ng dagdag suweldo dahil hindi ito natalakay sa mga pagpupulong ng gabinete kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa mga nakalipas na panahon, may ipinagkakaloob na regalo ang pamahalaan sa mga manggagawa, hindi man dagdag-suweldo ay non-wage benefits.
Samantala, sinabi ni Panelo, hindi hahadlangan ng Palasyo ang mga ikinakasang kilos protesta bukas ng iba’t ibang grupo ng mga manggagawa.
Ayon kay Panelo, karapatan ito ng kahit na sino, sa isang demokratikong bansa.
(ROSE NOVENARIO)