HINDI lang sa pot session umabot ang bonding ng apat na magkakapatid dahil umabot ito sa kulungan nang madakip matapos maaktohan sa paggamit ng droga sa isinagawang anti-illegal drug operation ng Quezon City Police District (QCPD), iniulat kahapon.
Kaugnay nito, walo katao pa ang nadakip kabilang ang sinabing tulak na nasa drug watchlist ng QCPD.
Sa ulat kay QCPD Director, P/BGen. Joselito Esquivel Jr., dakong 9:00 pm kamakalawa, naunang nadakip ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Batasan Police Station
(PS 6) na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Joel Villanueva sa buy bust operation si Richard Dumo alias Kangkong, 45 anyos.
Si Kangkong ay kilalang drug pusher sa kanilang lugar sa Gen. Evangelista St., Brgy. Bagong Silangan, at kabilang sa QCPD Directorate for Intelligence (DI) drug watchlist kaya ito ay kanila nang tinitiktikan.
Nang magpositbong patuloy sa pagbebenta ng ilegal na droga, ikinasa ang buy bust kaya nadakip si Dumo.
Nakuha kay Dumo ang shabu na nagkakahalaga ng P300 at marked money.
Kasamang binitbit ang magkakapatid na sina Arnel Linggaon, 50; Aldino Linggaon, 48; at Alberto Linggaon, 46; Angelito Linggaon, 21, naaktohan sa pot session sa lugar ni Dumo.
Bukod sa magkakapatid kabilang din sa nadakip sina Randy Nitura, 45; Jacinto Salon Jr, 41; Angelo Gomez, 41; Jherdan Asejo, 30; William Erlano, 63, pawang residente sa Brgy. Bagong Silangan; Francis Randel Navarro, 44, at Gina Olivares, 49, kapwa naninirahan sa Tarlac City na nakasama sa shabu session.
Ang mga suspek ay nakapiit ngayon sa Batasan Police Station 6 habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanila.
(ALMAR DANGUILAN)