NANINDIGAN ang ilang information technology o IT experts at mga grupo ng electoral reforms advocates na ibalik ng Commission on Elections sa manual na bilangan ang isasagawang May 2019 national and local elections.
Sa ginanap na Mata sa Balota 2019 Media Forum, sinabi ni Dr. Nelson Celis, chairman ng Automated Election System Watch at IT expert na mas makabubuting gawin na lamang manual ang halalan sa 13 Mayo dahil wala nang kredibilidad ang automated election service provider na Smartmatic.
Inihalimbawa ni Celis ang mga bansang dating gumagamit ng Automated Election na bumalik sa manual counting gaya ng Germany, Netherlands at iba pang mayayamang bansa sa Europa.
Naniniwala si Celis na kahit na mayroong Automated Election Law dahil sa maraming paglabag ng Smartmatic ay maaari nang ibalik sa mano- mano ang bilangan upang magkaroon ng malinis at tapat na halalan.
Anang grupo, upang mawala ang duda ng publiko sa automated election ay kailangan alisin ang Smartmatic lalo’t isa sa mga opisyal ng Smartmatic ay aminadong nagkaroon ng iregularidad sa transmission ng bilangan ng balota noon na ginawa sa “meeting room.”
Samantala, sinabi ni Dr. Mike Aragon, ang Mata sa Balota 2019 Media Forum ang nagsampa ng kaso laban sa executive ng Smartmatic na si Marlon Garcia, dating Comelec chairman Andres Bautista at dating PPCRV chairman Tita De Villa dahil sa mga naganap na anomalya at iregularidad sa mga nakaraang halalan.
(ALMAR DANGUILAN)