UMAKYAT na sa 16 ang bilang ng mga kompirmadong binawian ng buhay matapos ang magnitude 6.1 lindol na yumanig sa iba’t ibang bahagi ng Luzon kamakalawa nang hapon.
Pinakamalaking pinsala ang dinanas ng lalawigan ng Pampanga na naitala ang karamihan ng nasawi.
Lima sa 16 namatay ay mula sa gumuhong Chuzon Supermarket sa bayan ng Porac; pito mula sa iba pang lugar ng Porac; dalawa mula sa Lubao; isa sa Angeles; at isa mula sa San Marcelino, Zambales.
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), tinatayang 81 ang sugatan at 14 ang nananatiling nawawala sa Central Luzon sanhi ng lindol.
Agad naglaan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P1.3 bilyon bilang standby fund.
Nagpaalala ang NDRRMC sa publiko na laging maging alerto para sa mga aftershock at manatiling kalmado.
Aktibo ang mga fault line sa bansa bilang bahagi ng Pacific Ring of Fire na madalas nagaganap ang mga lindol at mga pagputok ng bulkan.