HINDI pa idedemanda ng Malacañang ang mga personalidad na nabisto nilang nagsabwatan para pabagsakin ang administrasyong Duterte.
“Wala, hahayaan lang namin sila… sa ngayon ha, sa ngayon. Kasi if the plot thickens and they perform acts which are already violation of the penal laws, that’s a different story,” sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa press briefing sa Palasyo kahapon.
Ang pahayag ay ginawa ni Panelo kasunod nang napaulat na “Oust Duterte plot matrix” na kinompirma niyang katulad ng hawak niyang dokumento na galing kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, beripikado ang matrix na galing umano sa foreign intelligence source.
Nakasaad sa matrix ang pagpapasahan ng video footage ng isang alyas Bikoy ng mga taga-Vera Files, Rappler, Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), at National Union of People’ Lawyers (NUPL).
“Ang ibig sabihin, the source is Bikoy, gumawa siya ng fake news, ipinadala niya — hindi nga alam kung sino, obviously ano ‘yun pseudo name lang o kung sinuman iyon. Ipinadala niya kay Tordesillas, ipinadala naman ni Tordesillas doon sa tatlo, tapos ikinalat na nila, iyon lang naman ang ibig sabihin nito,” paliwanag ni Panelo.
Matatandaan kamakailan ay naging viral ang mga video footage ni alyas Bikoy na nag-akusa kina dating Davao CityVice Mayor Paolo Duterte, dating Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go at presidential daughter Veronica “Kitty” Duterte na sangkot sa illegal drugs.
Hindi tinukoy ni Panelo kung sino ang nasa likod ni alyas Bikoy.
(ROSE NOVENARIO)