INAASAHANG malalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2019 pambansang budget sa loob ng linggong ito o sa susunod na linggo, bago ang Semana Santa.
Ito ang sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles sa harap nang patuloy na paggamit ngayon ng pamahalaan sa reenacted budget ng 2018.
Sa isang panayam sa Malacañang, sinabi ni Nograles na isinasapinal na lamang ito.
Kasabay aniya ng pagpirma ng Pangulo sa 2019 pambansang budget ay ilalabas ng Palasyo ang budget message o veto message ng pangulo.
Ayon kay Nograles, hindi hahayaan ni Pangulong Duterte na mag-lapse into law ang pambansang budget nang hindi inaaksiyonan.
Isa sa nakikita ni Nograles na magiging implikasyon ng pagkaantala ng 2019 national budget ay pagkakapatong-patong ng mga nakalinyang proyekto ng gobyerno na susustentohan, at ang mga papasok na bagong proyekto na popondohan naman ng 2020 panukalang pambansang budget.
Ayon kay Nograles, maganda sana ang kahihinatnan kung mas maraming proyektong maisasalang sa susunod na taon sa ilalim ng dalawang pambansang budget na magpapang-abot, dahil mangangahulugan ito ng mas maraming Pinoy na mabibigyan ng trabaho.
Gayonman, nakapag-aalala rin aniya na baka sa dami ng mga proyekto, ay ‘mabulunan’ naman ang bansa.
(ROSE NOVENARIO)