KAKASUHAN ang mga artistang sangkot sa illegal drugs pero hindi ibubulgar ang mga pangalan nila sa narco-list gaya nang nakagawian ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ng Pangulo na hindi na kailangan isapubliko ang listahan dahil hindi naman public officials at malalagay lang sa kahihiyan ang mga artistang sabit sa illegal drugs.
“Ito ba ‘yung mga artistang gusto ninyong ilabas. You know, what would be the purpose? Hindi naman sila people seeking public office so there’s really no need,” anang Pangulo sa kanyang talumpati sa Iloilo City kamakalawa.
“I-file na lang namin if the evidence, ‘yung na-gather is sufficient. But I will not unnecessarily put to shame ‘yung mga artista. Civilian ‘yan,” aniya.
Sagot aniya ng Pangulo ang responsibilidad sa pagtukoy niya sa mga opisyal ng gobyerno sa narco-list dahil karpatan ng publiko malaman kung sila’y mga salot sa lipunan.
“You run the risk always because you are aspiring a public office and everybody should know whether you are a liability to the government or an asset. ‘Yan ang purpose ko riyan,” sabi niya.
Giit niya, hindi niya personal na kilala ang mga politiko sa narco-list.
“Pero ako ang nagbigay ng final. Totoo ‘yan, ako ‘yan. I take full responsibility for that. Pero hindi ko kilala ‘yan,” aniya.
Matatandaan na inihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 31 artista ang nasa narco list. (ROSE NOVENARIO)