WELCOME sa Palasyo ang desisyon ng Ombudsman na sibakin at sampahan ng kasong murder ang pulis-Maynila na pumatay sa isang 23-anyos epileptic sa anti-illegal drugs operation sa Tondo, Maynila noong 2017.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kailanma’y hindi kinokonsinti ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pang-aabuso ng mga awtoridad.
“We welcome it as PRRD says his administration will not tolerate abuse on the part of police officers as there will be hell to pay,” ani Panelo.
Iniutos ng Ombudsman ang pagtatanggal sa serbisyo at pagsasampa ng kasong murder laban kay PO3 Gerry Geñalope matapos mapatunayang guilty sa pagpatay sa biktimang si Djastin Lopez, 23, isang epileptic, sa anti-illegal drugs operation sa Tondo noong 2017.
Ibinasura ng Ombudsman ang alibi ni Geñalope na nanlaban si Lopez kaya napilitan siyang barilin dahil batay sa mga testimonya ng mga saksi ay nagmamakaawa ang biktima sa pulis at inaatake ng epilepsy nang pagbabarilin.
ni ROSE NOVENARIO