SINISI ng Rural Missionaries of the Philippines (RMP), ang Memorandum Circular No. 32 ni Pangulong Rodrigo Duterte na ugat ng pagpaslang sa 14 magsasaka sa Negros Oriental nitong 30 Marso.
Giit ng RMP, isang organisasyon ng mga layko, pari at madre, ang pagpatay sa 14 magsasaka ay bunsod ng Memorandum Circular No. 32 ni Duterte at anila’y nagbigay-daan sa matinding militarisasyon sa Negros, Samar, at Bicol.
Mahigpit na kinondena ng grupo ang pamamaslang.
“We rebuke this evil and cruel act. The victims were killed mercilessly within earshot of their families. We appeal to the Commission on Human Rights to investigate these incidents and we pray that the perpetrators be held accountable and justice be given swiftly, “ ayon kay Sr. Elenita Belardo, National Coordinator ng RMP.
Kasama sa mga namatay na magsasaka ang walong magsasaka mula sa Canlaon City na kabilang ang Avelino brothers na sina Ismael, 53, at Edgardo, 59, ng Sitio Carmen, Barangay Panubigan; Melchor Panares, 67, at ang anak na si Mario, 46, ng Sitio Tigbahi, Barangay Bayog; Rogelio Recomono, 52, at ang anak na si Ricky, 28, ng Sitio Manggata, Barangay Masulog; Gonzalo Rosales, 47, ng Barangay Pula at Genes Palmares, 54, ng Barangay Aquino.
Si Edgardo Avelino ang namumuno ng HUKOM o Hugpong Kusog sa Mag-uuma sa Canlaon City.
ni Gerry Baldo