IPINAAARESTO muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suspe sa pagpatay kay Christine Silawan na pinalaya ng piskalya.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Koronadal, South Cotabato kamakalawa ng gabi na tinawagan niya ang fiscal sa Cebu City na nagpasya na pakawalan ang suspek sa pagpatay sa dalagitang binalatan ang mukha.
Ayon sa Pangulo, binigyang diin niya sa fiscal na dapat niyang i-recall ang inilabas na dismissal at arestohin muli ang pinakawalang suspek.
Kaugnay nito ay ipinaliwanag ng pangulo ang hot pursuit rule.
Hindi aniya nangyayari ang hot pursuit sa loob ng 24 oras lamang.
Iginiit ng Pangulo, habang iniimbestigahan ang isang kaso at nagsasagawa ng mga follow-up araw araw ang mga awtoridad, matatawag pa rin itong hot pursuit.
Naniniwala ang Pangulo na ang kasong pagpatay kay Silawan ay resulta ng pagkalulong sa ilegal na droga ng suspek at iba pa niyang mga kasabwat.
Ayon sa Pangulo, sa klase ng krimen na nangyayari ngayon, masasabing lumala pa ang problema ng bansa sa ilegal na droga.
Babala ng Pangulo, posibleng maging susunod na Mexico na ang bansa na kontrolado ng drug cartel ang gobyerno kapag hindi nasawata ang problema sa ipinagbabawal na gamot.
ni ROSE NOVENARIO