GINAGAMIT ng dilawan si dating police colonel Eduardo Acierto para batikusin ang administrasyon, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ito ‘yung involvement ng ibigay ko sa’yo — ng pulis kasi ginagamit sa mga yellow ngayon. Pero nandiyan lahat,” ayon sa Pangulo sa kanyang talumpati sa Koronadal, South Cotabato.
Anang Pangulo, kabilang si Acierto sa mga ninja cop o mga pulis na sangkot sa pag-recycle ng mga nakokompiskang ilegal na droga.
Kasabwat aniya ni Acierto sa ganitong ilegal na gawain ang isa pang kasamahan na dating police official at PDEA deputy director Ismael Fajardo.
Ayon sa Pangulo, kilala si Fajardo sa pagre-recycle ng ilegal na droga at mapaggawa ng mga istorya.
Tinukoy ng Pangulo ang frame up ni Acierto at kaniyang mga kasamahan kay Marine Col. Ferdinand Marcelino.
Matatandaan na si Marcelino ay nagserbisyo rin sa PDEA bilang agent, ngunit nasangkot sa operasyon ng isang umano’y shabu lab sa lungsod ng Maynila, pero inabsuwelto ng korte.
Una nang sinabi ng Pangulo na si Acierto ay sangkot din sa pagdukot at pagpatay sa Koreanong si Jee Ick Joo sa Camp Crame, ilang taon na ang nakalilipas.
Modus aniya ng grupo ni Acierto ang pagkidnap sa mga dayuhang negosyante para kumita ng pera.
“And I — ito ‘yung si Eduardo Acierto, na-dismiss sa pulis effective August 14, 2018 due to procurement of AK-47 rifles, which eventually landed in the possession of the New People’s Army. Ana kagago sang police naton,” dagdag niya.
Idinepensa muli ng Pangulo ang kaibigan na si Michael Yang laban sa akusasyon ni Acierto na sangkot sa illegal drugs.
Lehitimo aniyang negosyante mula sa Davao City at malapit rin sa matataas na opisyal ng China. (R. NOVENARIO)