INIHAYAG ng Department of Foreign Affairs (DFA) na umani ng papuri ang 163 Filipino crew members ng Viking Sky Cruise Ship sa ginawa nilang pagtulong sa mga pasahero, makaraang tumagilid sa gitna ng karagatan ng Norway nang tamaan ng malaking alon dahil sa sama ng panahon.
Kasunod ng ginawang pagliligtas sa 436 guests ng cruise ship at 479 pasahero ng nasabing barko, kinompirma ng Embahada ng Pilipinas sa Oslo na walang pribadong pasaherong Filipino ang cruise ship maliban sa 163 Pinoys na kasama sa 458 crew member ng Viking Sky cruise ship.
Sa kabuuang 436 guests at 458 crew members kabilang ang 163 Pinoy crewmen ang tumulong sa evacuation ng mga pasaherong sakay ng nasabing barko.
Ayon sa ahensiya, ang 479 pasahero ay nailigtas sa pamamagitan ng helicopter mula sa cruise ship na tumagilid na inaalalayan ng tugboat na maitabi sa baybayin dagat.
Naitala na nasa 20 individual ang nagkaroon ng sugat (injury) sa nangyaring insidente na nilapatan ng lunas habang ang iba naman dito ay nakalabas na ng medical center sa Norway.
(JAJA GARCIA)