ISANG pasaherong Korean national ang inaresto nang saktan ang driver ng taxi na sinakyan niya at isang Chinese national ang nahulihan ng baril sa magkahiwalay na insidente sa mga lungsod ng Pasay at Makati kahapon.
Nakakulong ngayon sa Pasay City Police ang suspek na si Jinseok Ahn, nasa hustong gulang.
Sa pahayag sa Pasay City Police ni Ismael Marquez, driver ng Acalim Transport, sumakay ang dayuhan sa Remedios St., sa Malate, Maynila at nagpahatid ng Parañaque City.
Pasado 7:00 am, habang binabaybay nila ang kahabaan ng Roxas Boulevard, nagalit ang suspek nang tanungin ng driver kung siya ay isang Chinese.
Bigla na lamang umanong sinuntok ng dayuhan ang upuan ng taxi ni Marquez at saka siya sinaktan at sinakal.
Nagpasyang dalhin sa presinto ng driver ang nasabing dayuhan, pero pumalag din sa mga pulis at tumangging magbayad ng P100 pasahe sa taxi.
Amoy alak din umano ang Koreano, na posibleng lasing at galing sa karaoke bar sa Malate.
Samantala, kahapon ng umaga, dakong 11:30 am. hinuli ng mga kagawad ng Makati City Police ang Chinese national na si Sun Xiaofan, 31, ng Grand Soho Condominium 131, HV Dela Costa St., Salcedo Village ng lungsod.
Sinabi ni Makati City Police chief, S/Supt. Rogelio Simon, tumawag ng electrician si Xiaofan upang ayusin ang electrical circuit ng kanyang kuwarto.
Niyaya umano ng electrician na hindi na binanggit ang pangalan ang guwardyang naka-duty na si John Lambot sa nasabing condominium upang samahan siya sa loob ng yunit ng dayuhan.
Habang inaayos ang problema sa koryente, nakita ng electrician ang suspek na may hawak na baril na pinaglalaruan nito.
Dito na humingi ng tulong at tumawag ng pulis si Lambot na agad naman nagresponde ang mga tauhan ng Makati City Police sa pangunguna ni Chief Insp. Gideon Ines, kaya agad naaresto ang dayuhan.
Narekober ng mga pulis mula sa suspek ang isang kalibre .38 baril at ilang bala nito na sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 0 Comprehensive Firearms and Ammunition Regulatory Act sa Makati City Prosecutor’s Office. (JAJA GARCIA)