WALANG buhay na bumulagta matapos makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad ang isang barangay kagawad na sinabing notoryus na tulak ng ilegal na droga at nasa listahan ng high value target (HVT) drug personality nang Hainan ng search warrant ng pulisya, kamakalawa nang madaling araw.
Sa isinumiteng ulat ni Supt. Elmer Decena, hepe ng Apalit Police, sa tanggapan ni Chief Supt. Joel Napoleon Coronel, Central Luzon Police Director, kinilala ang napaslang na suspek na si Noel Mamangon y Macapagal, 52 anyos, isang barangay kagawad na sinasabing miyembro ng gun for hire ng Aquino Criminal Group, at nadakip habang tumatakas ang kapatid na si Emilio Mamangon y Macapagal, 38, isang barangay tanod.
Nabatid kay Decena, bitbit nina Chief Insp. Danilo Fernandez, PO2 Marcelino Gamboa, at PO3 Marlon Aga ang isisilbing search warrant na inisyu ni Judge Jesusa Mylene Suba-Isip ng RTC Guagua, Pampanga, kasama ang mga kagawad ng PIB, PDEU, SWAT at CIDT.
Ngunit pagpasok sa bahay ng mga suspek bigla umanong tumalon sa bintana ang kagawad na si Noel upang tumakas saka pinaputukan ang mga pulis gamit ang kalibre .38 revolver, kaya’t gumanti ng putok ang mga pulis na agarang ikinasawi ng suspek.
Naaresto naman ang kapatid ni Noel na isang kagawad na si Emilio.
Nakompiska sa papatakas na suspek ang kalibre .38 revolver, isang granada, at isang plastic sachet ng shabu.