TATLONG Chinese nationals kabilang ang isang 79-anyos lolo na hinihinalang sangkot sa operasyon ng Golden Triangle syndicate ang inaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa magkasunod na buy bust operation at nakakompiska ng 168 kilo ng shabu na nagkakahalaga nang mahigit P1.1 bilyon sa Muntinlupa City kamakalawa.
Sa unang operasyon ng mga tauhan ni Director General Aaron Aquino, ng PDEA dakong 5:00 pm, naisagawa ang buy bust sa Deck 2 upper parking ng Alabang Town Center, Brgy. Alabang, Muntinlupa na unang dinakip ang tatlong suspek na sina Emmanuel Pascual, 79, Wang Zhiyong, alyas Shi Rong Huang, 41, at kasamang babae na si Cai Qingxian, alyas Go Kei Kei, 44, pawang nakatira sa Binondo, Maynila.
Nakompiska sa mga suspek ang 28 packs ng transparent plastic bag na may lamang crystaline substance na hinihinalang shabu at timbang na 45 kilogram na tinatayang P306,000,000 milyon ang halaga, 3 mobile phones, marked money at ang gamit nilang sasakyang Honda Civic (WSB-955).
Dakong 6:30 pm, naaresto ang suspek na si Li Zhaoyang, 18 binata, Chinese national sa buy bust operation ng PDEA sa Brgy. Ayala Alabang Village, Muntinlupa.
Nakompiska sa inuupahang bahay ni Zhaoyang sa No. 175 Apitong St., ang 82 packs ng transparent plastic bag na naglalaman ng crystalline substance na hinihinalang shabu at may timbang na 123 kilograms, may halagang P 836,400,000, 1 mobile phone, marked money at mga identification card.
Nabatid naging katuwang din ng PDEA sa drug operation ang mga kagawad ng pulisya sa National Capital Region.
Habang nakapiit ang mga suspek sa PDEA-NCR office para sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 ng Comprehensive Drugs Act Law.
Patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga tauhan ng PDEA para alamin kung konektado ang apat sa mga nahuli nila sa Cavite kamakailan.
Bukod rito maging ang may-ari ng bahay na inuupahan ng mga suspek na ginawang imbakan ng droga ay iimbestigahan din.
Makikipag-ugnayan din ang PDEA sa Bureau of Immigration (BI) para alamin kung dokumentado ang tatlong Chinese na nahuli mula mainland China. (MANNY ALCALA/JAJA GARCIA)