ILAN lamang sa mga senador ang nakaaantala para maaprobahan ang panukalang budget para sa 2019.
Ayon kay House minority leader Danilo Suarez ng Quezon, gusto ng karamihan ng mga senador kasama si Senate committee on finance chairperson Loren Legarda na i-submit na kay Pangulong Duterte ang bagong National Expenditure Program ngunit ayaw ni Sotto.
Sa panayam sa media kahapon, sinabi ni Suarez na ang “silent majority” sa Senado ay hindi sangayon sa gusto ni Senate President Tito Sotto at Senator Ping Lacson.
“I talked to Sen. Loren two days ago, as a matter of fact I’m going to see her tomorrow (Thursday). She assured me na gustong-gusto na niyang [makarating kay Presidente] ang enrolled bill at iyon rin ang sentiments ng nakakaraming miyembro ng Senado,” pahayag ni Suarez kahapon.
“Kung puwede nga lang pipirmahan ko (Legarda] na iyan (national budget) para tapos na,” dagdag pa niya.
Ayon kay House Deputy Minority Leader at Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin ang paglagda ni Sotto sa panukalang budget ay isang ministerial duty.
“Both Houses of Congress have ratified the national budget so it is only ministerial on their (Speaker Gloria Macapagal-Arroyo and Sotto) part na pirmahan na ang enrolled bill at i-transmit na kay Presidente,” ani Garbin.
Sa panig ni House senior Deputy Minority Leader at Buhay Hayaang Yumabong (Buhay) party-list Rep. Lito Atienza hindi niya maintindihan si Lacson kung bakit gusto nitong may lump sum sa kabila ng pagtutol sa port barrel.
“Kayo na ang humusga, ano ba ang gusto ninyong budget? Itemized o lump sum, iyon ang lumalabas na argumento ngayon, ang gusto ‘yata ni Sen. Lacson lump sum, ang gusto ng Kongreso itemized,” ani Atienza.
“Unfair, kapag Senado ang maglalagay ng pera they called it institutional amendment, kapag ang Lower House ang naglagay ng pondo para sa isang specific project, pork barrel,” angal ni Atienza.
Nauna nang sinabi ni1s House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo tapos na ang trabaho ng Kamara sa budget.
Giit ni Arroyo, naaayon sa Saligang Batas ang niratipika nilang P3.757-trilyong pondo para sa 2019.
Ani Arroyo ang pag-itemize nila sa mga lump sum ay legal at hindi nila ito binabawi taliwas sa napapabalita.
ni Gerry Baldo