SUGATAN ang apat katao kabilang ang dalawang agents ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang buy bust operation sa Pasay City, kahapon ng umaga.
Nasa San Juan de Dios Hospital ang mga biktima na si PDEA Agent 3 Charlemaine Tang, nasa hustong gulang at PDEA Agent 2 Richard Seure, 44, upang lapatan ng lunas sanhi ng tama ng bala sa katawan.
Nadale rin ang isang kahera ng Unioil gasoline station na kinilala sa pangalang Justine matapos tamaan ng ligaw na bala at ginagamot ngayon sa Adventist Medical Center Manila.
Iniulat na nasugatan ang isa sa dalawang suspek na kinilalang isang alyas Boy, nasa isang ospital na nagawang matakasan ang mga awtoridad.
Ayon sa inisyal na ulat ni Pasay City Police chief S/Supt. Bernard Yang, nagsagawa ng buy bust operation ang PDEA sa koordinasyon ng naturang pulis na nauwi sa enkuwentro sa kanto ng Buendia (Gil Puyat Ave.,) at F.B. Harrison St., malapit sa gas station sa nasabing lungsod, dakong 7:30 ng umaga.
Nahalata umano ni alyas Boy at kasama nito na pulis ang kanilang katransaksiyon dahilan upang paulanan ng bala ang mga awtoridad.
Napilitang gumanti ang mga operatiba ng putok na ikinasugat ng isang suspek habang tinamaan ng bala sina Tang at Seure habang nadale naman ang isang kawani ng gasolinahan.
Nakakuha ng pagkakataon ang dalawang suspek na makatakas sa kamay ng mga awtoridad. Nagsasagawa ng hot pursuit operations ang PDEA katuwang ang Pasay Police.
(JAJA GARCIA)