PINAG-IINGAT ng pamunuan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nasa 5,000 Filipino sa New Zealand matapos ang pag-atake at pamamaril ng isang lalaking suspek sa loob ng mosque na nagresulta sa pagkamatay nang halos 50 katao.
Inatasan kahapon ni DFA Secretary Teodoro Locsin si Philippine Ambassador Jesus Gary Domingo na makipag-ugnayan sa Philippine Honorary Consulate sa Christchurch leaders at sa mga Filipino community upang malaman kung may mga Pinoy at kamag-anak na posibleng nadamay sa karumaldumal na pagpatay sa mga biktima habang nagdarasal sa loob ng dalawang mosque.
Nag-viral sa social media ang video kung paano pinagbabaril ng mataas na kalibre ng baril ang mga walang kalaban-labang biktima ng nag-iisang suspek na Australiano na kinilalang si Brenton Harrison, 28.
Iniharap na sa publiko ang suspek at nakangiti pa umano at nagmuestra sa kanyang daliri ng “ok” na mistulang ikinatutuwa ang kanyang ginawa.
Dinala ng New Zealand authorities sa himpilan ng pulisya ang suspek upang masampahan ng kaukulang kaso. (JAJA GARCIA)