NGAYONG hapon huhusgahan si Arjo Atayde ng kapwa niya artista sa advance screening ng Bagman na gaganapin sa Trinoma Cinema 6 dahil ang sitsit sa amin ng taga-Dos ay maraming artistang gustong mapanood ang digital series ng aktor na mapapanood simula bukas sa iWant produced ng Dreamscape Digital at Rein Entertainment.
Kung tama ang narinig naming, in full force ang co-actors ni Arjo sa The General’s Daughter headed by Ms. Maricel Soriano at Angel Locsin. Marami pang binanggit na pangalan sa amin na hindi na namin iisa-isahin pa, kukunan ko na lang sila ng litrato mamaya.
Anyway bukas, Marso 20 ang first 6 episodes na mapapanood sa iWant, sa March 27 naman ang 3 episodes, at April 3 ang last 3 episodes na ang tawag ng Dreamscape Digital at Rein Entertainment ay three drops mula sa panulat at direksiyon ni Shugo Praico.
Samantala, nakailang text kami kay Arjo kahapon pero hindi kami sinasagot. Hihingan sana namin siya ng reaksiyon dahil nominado siya sa 67th Famas sa kategoryang Outstanding Performance by an Actor in a Supporting Role para sa pelikulang Buy Bust.
Marahil ay hindi rin alam ng aktor ang isasagot niya dahil unang-una, sino ba naman ang mag-aakalang mapapansin ang limang minutong exposure sa unang pelikula niya na base sa reviews ng pelikula ni Anne Curtis na produced ng Viva Films ay tumatak ang karakter niyang Biggie Chen.
At ang bibigat ng co-nominees ni Arjo, pawang mga batikang aktor na sina Soliman Cruz, Publio Briones III, Joem Bascon, Levi Ignacio, Teroy Guzman, Gabby Eigenmann, Richard ‘Ebong’ Joson, Nanding Josef, at Meggie Cobarrubias. Ang masasabing halos kasabayan ng aktor ay si Aaron Villaflor.
‘Man of the hour’ ang terminong ginamit sa nakaraang mediacon ng Bagman kay Arjo at talagang binigyan siya ng malaking promo dahil naglagay ng billboard sa Magallanes, Makati City at sa labas ng Camp Emilio Aguinaldo, Quezon City bukod pa sa labas ng ELJ Building, Eugenio Lopez Drive.
Good luck Juan Carlos Campo Atayde for Bagman!
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan