MAGBABALANGKAS ng national water management master plan ang administrasyong Duterte na inaasahang magbibigay lunas sa mga problema sa supply ng tubig sa bansa.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles ang master plan ay gagawin ng National Water Resources Board (NWRB) na tatanggalin sa superbisyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ililipat sa Office of the President.
Sinabi ni Nograles, ang NWRB ay bubuuin ng 30 ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa supply ng tubig at kikilos batay sa mandatong itatakda ng ilalabas na executive order ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“One of the responsibilities of the body would be the crafting of a national water management master plan that will integrate all relevant and existing plans and roadmaps of the different agencies that play a role in integrated water resource management (IWRM),” aniya.
Matatandaan noong Biyernes ay inatasan ni Pangulong Duterte ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na mag-release ng tubig mula sa Angat Dam na tatagal nang 150 araw na supply.
Nauna rito, naghinala ang Palasyo na artipisyal ang water shortage na naranasan ng mga kliyente ng Manila Water sa ilang bahagi ng Metro Manila, Rizal at Cavite.
(ROSE NOVENARIO)