TINUTULAN ng chairperson ng Metro Manila Development Committee sa Kongreso ang plano ni Quezon City Congressman Vincent Crisologo na magtayo ng coliseum sa Quezon Memorial Circle (QMC) dahil sa pinsalang maaaring idulot nito sa QMC bilang monumento at liwasan.
Ayon kay Rep. Winnie Castelo, hepe ng nasabing komite, hindi magiging angkop ang isang malaking estruktura tulad ng coliseum sa QMC.
“The place would not be appropriate. It would compromise the beauty of the place as serene and tranquil,” ani Castelo.
Sa isang panayam noong Sabado, sinabi ni Crisologo na plano niyang magpatayo ng auditorium doon sakaling maging matagumpay sa kanyang pagtakbo sa pagiging alkalde ng lungsod sa halalan nitong taon.
“My plan is to build [an] auditorium there. Tayo na lang walang auditorium [na] air-conditioned na multi-purpose na puwedeng basketball court. Lahat mayroon na,” pahayag ni Crisologo.
“It’s a big space ano, kulang lang sa planning. Kasi ang nangyari noon, may maisipan sila [tapos] tayo rito, may maisipan sila [tapos] tayo roon. There is no general planning. So I think we should re-plan the circle,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Crisologo na habang ang mga lungsod tulad ng Maynila, Caloocan, San Juan, at Makati ay may malaking mga sports auditorium, ang QC ay wala pang ganito.
Sa kabila nito, kinontra pa rin ni Castelo ang plano sapagkat ang QMC ay idinisenyo bilang liwasan na maaaring maglakad, mag-ehersisyo, at magpahinga ang mga tao.
“The real purpose of that park is for tranquility and serenity. It’s a passive park where park-goers can promenade,” paliwanag niya.
Sinabi rin niya na ang QMC ay sagrado para sa Quezon City sapagkat ito ay nagsisilbing pambansang dambana kung saan inilagay ang labi ng dating Pangulong Manuel L. Quezon. Ang panukala ni Crisologo, aniya, ay magiging kahihiyan sa alaala ng dating Pangulo.
Ilan pang aspekto ng plano na tinutulan ni Castelo ang magiging negatibong epekto nito sa kapaligiran ng QMC at ang problema sa trapiko na lalo pang lulubha kung may auditorium o coliseum sa nasabing lugar.
Ani Castelo, isang malaking estruktura sa lugar ay siguradong sisira sa mga puno at iba pang halaman sa parke na kasalukuyang ikinatutuwa nang daan-daang residente na bumibisita sa liwasan araw-araw.
“Furthermore, a coliseum would require parking that the present park space cannot provide. This would just create chaos of big proportion,” sabi ng pinuno ng komite ng Metro Manila Development.
Dagdag niya, “It would create monstrous traffic because that is the center of a major street.”
Dapat din umanong ipatayo ang panukalang estruktura sa lugar na may sapat na espasyo para sa mga kotseng paparada.
(GERRY BALDO)