NAHAHARAP sa kasong sexual abuse ang pangulo ng isang asosasyon ng persons with disability (PWD) nang ireklamo sa Parañaque Police ng apat na binatilyo na pawang Grade 8 at Grade 9 students makaraang utusan silang bumili ng droga at ipinagamit sa kanila hanggang abusuhin umano sila ng suspek sa Parañaque City, nitong Lunes.
Nakakulong sa Parañaque Police detention facility at nahaharap sa kasong sexual abuse ang suspek na si Nelson Balmores, 31, pangulo ng PWD Association ng GK El Dorado Dulo, Bgy. Don Bosco ng nabanggit na siyudad.
Nasa edad 15, 14, at 18-anyos ang mga binatilyong biktima at residente sa nabanggit na barangay.
Sa report na nakarating sa hepe ng Parañaque Police na si S/Supt. Jojo Rosales, naganap ang insidente noong Lunes sa GK El Dorado Dulo, Bgy. Don Bosco ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa pahayag sa mga pulis ng mga biktima, inutusan umano silang apat ng suspek na bumili ng droga at ipinagamit sa kanila.
Pagkatapos ay pinaglaruan umano ng suspek ang kanilang ari at pinagbantaan na sila ay papatayin kapag nagsumbong sa kanilang mga magulang. Halos ma-trauma ang mga biktima sa nangyari sa kanila kaya agad nilang ipinagbigay-alam sa kanilang mga magulang ang insidente.
Sa follow-up operation ng mga kagawad ng Parañaque Police, naaresto nila ang suspek na si Balmores.
(JAJA GARCIA)