HINDI nakaligtas sa kamatayan ang isang 5-anyos totoy makaraang malunod sa swimming pool ng isang resort sa Quezon City, iniulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ni P/Insp. Roldan Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Melvin Mirasol Mariano Jr., daycare pupil, at residente sa Barcelona St., Project 8, Bahay Toro, QC.
Sa naantalang report na ipinarating kay PO3 Elario Wanawan ng CIDU, ang insidente ay nangyari dakong 9:30 am nitong Linggo, 10 Marso, sa Dionicia’s Garden Breeze Resort na matatagpuan sa No. 185 Banlat Road corner Alcantara St., Brgy. Tandang Sora.
Sa pahayag ng magpipinsang sina Johnnyerson de Vera Iremedio, Bea de Vera at Vince de Vera, nagkakasiyahan silang lumalangoy nang nakita nila ang kasama nilang bata na palutang-lutang sa pool.
Mabilis na iniahon ni Iremedio mula sa swimming pool ang biktima at agad isinagawa ng isang Raymond Padua ang cardiopulmonary resuscitation (CPR) ngunit nabigong iligtas ang bata.
Isinugod pa sa Metro North Medical Center ang biktima ngunit idineklarang patay ng attending physician na si Dr. Paulo Acosta. Inaalam ng mga awtoridad kung may nangyaring kapabayaan sa panig ng may-ari ng resort. (ALMAR DANGUILAN)