HINDI nakombinsi ng mga opisyal ng administrasyong Duterte ang European Union (EU) na prente ng terrorist organizations ang pinopondohan nilang mga grupo sa Filipinas kaya hinimok silang mangalap ng mga dagdag na ebidensiya saka maghain ng reklamo.
“They wanted us to provide more (pieces 0f) evidence(s) and then to file the formal complaint because during the time when we went to Europe, we didn’t have the formal — exploratory nga,” sabi ni AFP Deputy Chief of Staff for Military Operations B/Gen. Antonio Parlade.
Ani Parlade, nasorpresa ang mga opisyal ng EU nang isiwalat ng Philippine delegation na ang pinopondohan nilang mga organisasyon sa Filipinas ay prente ng terrorist organizations na Communist Party of the Philippines (CPP).
Ngunit nangako ang EU na ihihinto ang pagpapadala ng pondo sa mga tinukoy nilang “terror organizations” kapag may matitibay na ebidensiyang maisusumite ang gobyernong Duterte.
“So that’s what we are doing now, we are consolidating all our (pieces of) evidence(s) para i-submit sa European Union – and as soon as they have that, they promised to stop this funding,” ani Parlade.
Posible aniyang magawa ng legal cooperation group ng National Task Force to End Local Communist Insurgency ang hiniling na dagdag na ebidensiya ng EU sa susunod na buwan.
Kabilang sa tinukoy na prente ng terrorist organizations ng gobyernong Duterte ang Kilusang Mayo Uno, Ibon Foundation, at Karapatan.
Bukod kay Parlade naging bahagi rin ng Philippine delegation sina Presidential Task Force on media Security chief Joel Egco, Presidential Human Rights Committee Secretariat Undersecretary Severo Catura at PCOO Undersecretary Lorraine Badoy.
ni ROSE NOVENARIO