IWAS-PUSOY ang mga opisyal ng gobyernong Duterte sa isyu ng nagastos sa biyahe sa Europa.
Para ipakita na hindi nawaldas ang pondo ng bayan at pabulaanan ang taguring “junket” ang kanilang EU trip, sinabi ni Egco, natutong kumain ng noodles si Badoy sa naturang biyahe.
“And to give you an idea, sa trip na iyon, natutong kumain ng noodles si Usec. Lorraine, ‘di ba? At nagse-share-an lang kami dito, mga – you may ask members of the Filipino communities doon, naawa nga sila sa amin e. ‘Di ba sabi nga nila, actually may isang doctor doon, sabi kakaiba kayo dahil… Well, practically doon na kami halos nakitira sa kaniya, nakikain. So, pero ma-quantify kung magkano ba talaga, pa(ma)sahe, kaunting accommodations,” ani Egco nang tanungin kung magkano ang gastos sa biyahe.
Habang si Parlade nama’y sinabi na kahit umabot pa nang hanggang P2 milyon, sulit naman dahil matitigil ang pagpapadala ng bilyon-bilyong piso sa aniya’y prenteng terror groups na sumisira sa kinabukasan ng mga kabataan.
“Let us just look at it this way: Gumastos ka, sabihin mo nang P1 million o P2 million. But in the process but you are able to prevent the funding worth P2 billion or P1 billion funding from organizations na napunta roon sa radicalization ng mga bata. Sana iyon na lang ang isipin ng mga bumabatikos,” aniya.
Matatandaan umani ng kritisismo ang biyahe ng grupo sa Europa matapos ihayag ni Communications Secretary Martin Andanar na pakay nito ang pagsagot sa isyu nang pagdakip kay Rappler CEO Maria Ressa at kung anong uri ang umiiral na ‘press freedom’ sa Filipinas.
(ROSE NOVENARIO)