NAARESTO ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawa katao na sangkot sa human trafficking at pagtutulak ng droga habang nasagip ang tatlong biktimang babae sa isang apartelle sa Brgy. Katipunan, Quezon City, ayon sa ulat kahapon ng pulisya.
Kinilala ni QCPD Director, P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., ang mga naarestong sina Emmanuel Cerojales, alyas Juding, 31, ng Brgy. Ramon Magsaysay, Bago Bantay; at Jessica Abalos, alyas Cacai, 18, ng Brgy. Bagbag, Quezon City.
Sa ulat, dakong 7:30 pm (9 Marso) nang maaresto ng mga tauhan ng Novaliches Police Station (PS4), na pinamumunuan ni P/Supt. Rossel Cejas ang mga suspek sa loob ng No. 77 Rosas Apartelle, na matatagpuan sa EDSA, kanto ng Roosevelt Ave., Brgy. Katipunan.
Una rito, nakatanggap ang mga awtoridad mula sa isang ‘confidential informant’ na sangkot si Cerojales sa drug at human trafficking kaya nagkasa ng buy-bust operation laban sa kanya, na nagresulta sa pagkakakompiska ng limang pakete ng shabu, dalawang cellular phones at buy-bust money.
Sa operasyon, apat na babae pa ang nakita ng mga pulis sa silid, kabilang si Abalos, na kalaunan ay natukoy na kasabwat ni Cerojales sa pagbebenta ng mga babae sa kanilang mga kostumer.
Ang tatlong babae ay sinagip. Sila ay biktima ng human trafficking at exploitation. Hindi na pinangalanan ang mga nasagip na babae, para sa kanilang proteksiyon.
Ang mga suspek ay sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act. (ALMAR DANGUILAN)