UMATRAS na si Camarines Sur Rep. Rolando Andaya, chairman ng House committee on appropriations, sa pag-iimbestiga kay dating Budget Secretary Benjamin Diokno matapos italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Umasa na lamang si Andaya na mauungkat pa ang mga isyung katiwalian laban kay Diokno sa pagharap niya sa Commission on Appointments kung saan mahaharap si Diokno bago pagtibayin ang pagkakatalaga sa kanya bilang pinuno ng Bangko Sentral.
Ani Andaya, naubusan ng panahon ang Kamara para ituloy ang pagdinig sa mga alegasyon laban kay Diokno na ni minsan ay hindi sumipot.
“Siguro those issues we raised, siguro to the point na some other person na lang. Some other person, some other time. I don’t think now is the time [to continue the investigation]… babalik din naman ‘yan,” ani Andaya kahapon.
Inakusahan ni Andaya si Diokno na nagsingit, umano, ng P75-bilyon sa panukalang budget para ngayong taon.
Pinaboran rin umano, ni Diokno ang kanyang mga balae sa Sorsogon ng mga proyekto sa flood control.
Ani Andaya, ang asawa ng anak ni Diokno na si Charlotte ay nagmamay-ari ng Aremar Construction na nakakukuha ng karamihan sa mga proyekto sa lugar.
Gagawa pa rin umano siya ng committee report patungkol sa imbestigasyon ng kanyang komite bago matapos ang 17th Congress.
“Well, hopefully ‘pag may oras pa. But from my experience, I think I have accepted the fact na some other time, some other person. Maybe in the next Congress. Nandiyan naman lahat iyan e. These things have a way of coming back, anyway,” paliwanag ni Andaya.
Taliwas sa posisyon ng Malacañang, sinabi ni Andaya na mahaharap si Diokno sa Commission on Appointments na miyembro ang mga senador at kongresista.
“The last time I checked, nakalagay may [conformation] e. Pati members ng Monetary Board ganoon din e,” ani Andaya.
Papalitan ni Diokno ang pumanaw na si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Gov. Nestor Espenilla Jr.
Ayon kay House Minority Leader at Quezon Rep. Danny Suarez hindi makalulusot si Diokno sa mga tanong na may kaugnayan sa kontrobersiyang kinasasangkutan niya bago ang confirmation.
“Questions will be asked. That’s also good for him. It will enlighten and maybe answer some issues that haven’t been answered during the question hour,” ani Suarez, ang chairman ng House committee on public accountability.
(GERRY BALDO)