ITINANGHAL na Miss Caloocan 2019 ang pambato ng Barangay 179 na si Shanon Tampon sa katatapos na timpalak pagandahan handog ng Pamahalaang Panlungsod ng Caloocan at ng Caloocan Cultural and Tourism Foundation, Inc. (CCTF) na ginanap sa Caloocan Sports Complex kamakailan.
“Iniaalay ko ang korona para sa lahat ng nagtiwala at sumuporta sa akin lalo na sa mga lokal na opisyal ng Barangay 179, ang aking tahanan. Karangalan ko na maging kinatawan ninyo at umaasa ako na magiging katulong ng Lokal na Pamahalaan ng Caloocan para sa lalo pang pagpapakilala sa ating mahal na Lungsod ng Caloocan,” ani Tampon.
First Runner-Up naman si Czarina Sucgang ng Barangay 178, 2nd Runner-Up si Nikki Mae Binuya Guese ng Barangay 63, 3rd, at 4th Runner-Up sina Shenna Mae Zaldivar at Kurt Daniel Orilleneda Mataban.
“Binabati ko ang mga nanalo sa Ms. Caloocan at lahat ng magagandang binibini na sumali sa patimpalak na ito,” ani Caloocan Mayor Oca Malapitan. Pinapurihan din ni Mayor Oca ang ipinakitang pagsisikap, dedikasyon, at “sportsmanship” ng mga kandidata.
Ibinigay naman ni CCTF Chairwoman Kat Mendoza ang kanilang buong suporta sa bagong Ms. Caloocan habang isinasagawa nito ang kanyang tungkulin bilang bagong kinatawan ng Caloocan sa larangan ng turismo.
Nahirapan naman ang chairman ng board of judges na si Marco Alcaraz sa pagdedesisyon kung sino ang mga magwawagi dahil napakagaganda ng mga kandidata. Gayunman sinabi ni Marco na hangad niya ang matagumpay na taon para sa mga bagong reyna ng Caloocan.
Positibo rin ang feedback ni Jonathan Chong, isa sa mga judge at kilala bilang mentor ni Ms. Universe Catriona Gray sa mga nag-uwi ng korona, “beauty and brains,” aniya.
Pinasalamatan ni Tampon ang Pamahalaang Panlungsod ng Caloocan, CCTF, Barangay 179 Captain Eugenio Notario Jr. at ang Sacred Heart Home Owner’s Assosciation para sa kanilang walang sawang suporta sa kanya tungo sa inaasam na korona.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio