NANAWAGAN si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa Philippine Ports Authority (PPA) kahapon na tumigil na sa pagsingil sa weighbridge fees para makabawas sa presyo ng mga bilihin.
Ani Arroyo, malaking kabawasan sa presyo ng mga gulay, bigas, isda at iba pang bilihin kung ititigil ng PPA ang paniningil sa mga truck na nagkakarga nito sa barko.
Ginawa ng Speaker ang panawagan sa gitna ng pagdinig ng House Committee on Transportation sa Hilongos, Leyte noong Martes patungkol sa inumpisahang nautical highway ng dating pangulo.
Tinalakay rin ang mahal na singil ng mga barko at mga daungan sa mga bumibiyahe ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin.
Ani Arroyo, ang mga bayarin sa weighbridge ay dapat nang tanggalin upang maibsan ang gastos ng mga trucker at magsasaka sa pagsadala ng mga produkto nila mula sa sakahan patungo sa mga palengke.
“As a result, the agricultural goods have become almost prohibitively expensive by the time they enter the Luzon market,” ani Arroyo.
“It’s an additional cost to the industry. So we have a resolution here that since it’s a PPA (Philippine Ports Authority) function, they should not charge that function. Because there are five charges that they can make and weighing charges are not part of it,” dagdag ni Arroyo.
Aniya, ituloy ang pagtimbang pero hindi na puwede maningil ang PPA.
Napagalaman ng komite na isa sa mga dahilan kung bakit mataas ang presyo ng mga bilihin ang paniningil ng PPA.
ni Gerry Baldo