ILANG mga nakatenggang railway project na umabot sa dalawang dekada ang binubuhay ngayon ng Department of Transportation (DOTr).
Sa weekly economic briefing sa palasyo, sinabi ni DOTr Undersecretary Timothy John Batan, ilan dito ang North Rail project na inumpisahan nang pag-aralan noon pang 1993.
Sinimulan aniya ang konstruksiyon nito nitong nagdaang 15 Pebrero, para pagdudugtungin ng nasabing railway project ang Central Luzon at Maynila.
Tatagos din aniya ang linya nito sa Calamba, Laguna na nangangailangang pag-ugnayin ang 22 local government units at kayang magsakay nang dalawang milyong pasahero sa isang araw.
Umpisa na rin, ayon kay Batan, ang paggawa ng common station ng MRT at LRT sa EDSA matapos matengga nang 10 taon.
Idinagdag ng DOTr official, pagkatapos ng apat na dekada, sa wakas ay nasimulan na rin ang konstruksiyon ng kauna-unahang subway railway project na 1977 pa pala ipinanukala ng bansang Japan.
Pagdudugtungin nito ang Valenzuela at Quezon cities hanggang NAIA terminal 3 na kayang magsakay ng 1.3 milyong pasahero kada araw.
(ROSE NOVENARIO)