HINDI na kailangan pang dumaan sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) si incoming Bangko Sentral ng Pilipinas governor Benjamin Diokno.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, batay sa Article 7, Section 16 ng 1987 Constitution, ang mga presidential appointee na kailangan dumaan sa go signal ng CA ay heads ng executive departments, ambassadors, public ministers at consuls, mga opisyal ng armed forces mula sa ranggong colonel o naval captain at commissioners ng Constitutional Commissions.
Tinukoy ni Panelo ang jurisprudence sa pagkuwestiyon sa appointment kay dating BSP governor Gabriel Singson na nabasura gamit ang Calderon vs. Carale case na nagsasabing hindi saklaw ng kapangyarihan ng Kongreso ang pagkakaroon ng confirmation powers sa itinatalagang BSP governor.
Kaugnay nito, hindi pabor si Diokno na politiko ang papalit sa kanya bilang Budget secretary.
Hindi na pinalawig ni Diokno ang naturang pahayag at sa halip, sinabi na lamang niya umaasa siyang magpapatuloy ang kanyang mga nasimulan sa DBM gaya ng Project dime, procurement reforms at cash based budget system na aniya’y dapat suportahan para magtagumpay ang Build, Build, Build program ng pamahalaan.
Sa kanyang paglipat sa BSP, tiniyak na gagawin niya ang kanyang bagong mandato kabilang ang pagtutok sa integridad ng financial system, price stability at financial inclusion advocacy.
Ngayong araw magsisimula ng kanyang trabaho sa BSP si Diokno at isa sa magiging unang aktibidad niya ang kanyang kauna-unahang monetary policy meeting.
(ROSE NOVENARIO)