MAHILIG kaming manood ng horror movies kahit natatakot kami at laging nakatakip ang mga mata namin kapag gulatan factor na. Kaya suyang-suya ang mga kasama namin dahil wala kaming ginawa kundi magtanong, ‘anong nangyari?’ Hindi kasi namin kayang makita kapag madilim na ang eksena kasi tiyak na may mangyayari.
Ganito rin pala ang naramdaman ni Bea Alonzo sa pelikulang Eerie na ang eksena niya ay bukas na flashlight lang at naglalakad para pasukin ang isang naka-pinid na pintuan nang biglang bumukas ito. Bale ba ito ang unang horror film ng aktres.
“’Yung nakita n’yo sa trailer na mga scene na may flashlights. Sa totoong buhay kasi naglagay lang sila ng ibang ilaw sa flashlight wala ng ibang source of light sa mga eksena.
“So imagine, hawak ko ‘yung flashlight sobrang pitch black ‘yung daraanan ko, tapos ‘yung eksena kailangang bubuksan ko ‘yung pinto tapos may hahanapin ako, eh, takot na takot ako kasi baka bago pa ako makarating sa pinto na ‘yun na nakasara, bago pa ako nakarating biglang nagbukas ‘yung pinto on its own, so talagang hindi ko talaga kinaya, ayoko nang gawin,” natatawang kuwento ng aktres tungkol sa Eerie experience niya sa ginanap na mediacon sa loob ng ABS-CBN Studio Experience sa Trinoma nitong Sabado.
Hindi naman itinanggi ni Direk Mikhail Red na marami silang naramdaman habang isinu-shoot ang Eerie sa isang seminary na nasa rural area na walang tao sa paligid.
Kuwento ni direk Mikhail, “eerie talaga nangyari on set. Very creepy naman talaga ‘yung location namin na seminary. Doon kami natutulog ilang days na rin. Rural na lugar, isolated at kami lang ang tao.
“Gabi na ‘to (eksena), may shot na roon na very precise na kailangan may timing na ipu-push ‘yung dolly and then mari-reveal ‘yung isang character tapos pumasok siya sa frame.
“Gabi na paulit-ulit hindi namin ma-timingan, papasok ‘yung kamera, ‘yung aktor nami-miss ‘yung mark. So ang ginagawa namin, cue pumapalakpak ako, 1, 2 and 3 clap tapos papasok ‘yung actor, hindi namin makuha parang take 9 or 10 na at midnight na.
“Pagod na kaming lahat, tahimik na lahat wala na kaming energy kaya sabi ko, sige, let’s do it one more time, roll! Siyempre pagod na ako, na-miss ko ‘yung mark, hindi ako nakapag-clap ‘pag roll ng camera biglang may nag-clap on his own, pasok ‘yung aktor perfect take sabi ng lahat. Pumalakpak lahat, pati ‘yung AD (assistant director) sabi niya, ‘perfect take, good take.’ Tapos sabi ko, ‘guys hindi ako ‘yung nag-cue niyon’ tapos lahat kinilabutan. Kaya naging joke na lang namin na, ‘na-frustrate na ‘yung mga multo rito kaya sila na ‘yung gumawa para magawa natin ‘yung shot.’
At base sa 10-minute trailer na ipinanood sa media bago nagsimula ang presscon ay takot na ang iba at hindi na kayang tingnan, pero ang napansin naming lahat ay ang ganda ng mga shot ni direk Mikhail at in black and white ito dahil nga ang settings ay 90’s sa isang liblib na lugar.
Pagkatapos naman ng presscon ay ipinakita ang isa pang trailer ng Eerie na hindi na kinayang panoorin ng ilang katoto dahil nagtakip na sila ng mukha at nagkasya na lang sa hiyawang narinig.
Isinama pala ang Eerie sa 2018 Metro Manila Film Festival at nakakatakang hindi ito pumasok. O baka kasi hindi rin natagalan ng mga huradong panoorin ito?
Anyway, ang Eerie ay mapapanood na sa Marso 27 handog ng MediaEast, Cre8, at Star Cinema sa pangunguna nina Charo Santos-Concio, Jake Cuenca, Joy Apostol, Maxene Magalona-Mananquil, at Bea mula sa direksyon ni Red.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan