NAG-USAP sa Palasyo sina Pangulong Rodrigo Duterte at Moro National Liberation Front (MNLF) founding chairman Nur Misuari kamakalawa ng gabi.
Sa press briefing sa Malacañang kahapon, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na 15 minutong nakapag-usap ang dalawa.
Ayon kay Panelo, si Pangulong Duterte ang maraming nasabi kay Misuari.
Humingi aniya ng paumanhin ang Pangulo kay Misuari dahil hindi pa nangyayari ang pangako niyang maipatupad ang federalismo.
Mas pabor si Misuari sa federalismo kaysa pagtatatag ng Bangsamoro region.
Nagpasalamat aniya si Pangulong Duterte kay Misuari sa haba ng pasensiya ng MNLF leader.
Giit ni Panelo, masusundan pa ang pagkikita at pagpupulong nina Pangulong Duterte at Misuari para mas mapahaba pa ang diskusyon.
Wala naman aniyang nabanggit si Pangulong Duterte kay Misuari hinggil sa Bangsamoro Transition Authority (BTA).
Ayon kay Panelo, walang reklamo si Misuari sa Pangulo hinggil sa komposisyon ng BTA.
Naunang napaulat na umalma si Misuari sa hindi patas na bilang ng komposisyon ng BTA dahil umano mas maraming miembro nito ay mula sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Wala pang schedule ang susunod na pag-uusap nina Pangulong Duterte at Misuari.
(ROSE NOVENARIO)