NAGPAHAYAG ng pagkalungkot ang mga miyembro ng oposisyon kahapon sa ika-33 anibersaryo ng People’s Power Revolution.
Anila bumalik ang mala-diktadurang pamamalakad na isinuka ng sambayanang Filipino sa ilalim ng gobyernong Marcos.
“Tatlong dekada na ang nakalilipas ngunit nasasaksihan pa rin natin ang mala-diktadurang pamamahala sa gobyerno. Kaliwa’t kanan ang paglabag sa karapatang pantao — pagpapatahimik sa mga kritiko ng administrasyon, pagsikil sa karapatan sa malayang pamamahayag, extra-judicial killings, at ang hindi matapos-tapos na martial law sa Mindanao,” ayon kay Magdalo Rep. Gary Alejano.
“Pilit ibinabalik ng kasalukuyang gobyerno ang madilim na bahagi ng kasaysayan na naranasan ng mga Filipino mahigit 30 taon ang nakaraan,” ani Alejano.
Ayon kay Alejano, sa kabila ng mahabang panahon mula noong natapos ang diktadurang Marcos, parehong laban pa rin ang kinahaharap ng mga Filipino.
Aniya, ang paggunita sa madilim na bahagi ng kasaysayan ay sangkap sa maliwanag na bukas.
“Nawa’y tumindig ang bawat isa sa atin para sa karapatan at kalayaan ng bawat Filipino. Kapag tayo ay inaapi, huwag natin itong palampasin. Huwag natin hayaan na maulit ang madilim na kahapon,” ani Alejano.
Sa panig ni Akbayan Rep. Tom Villarin, ang EDSA people power revolution ay isang malinaw na paalaala na huwag nang payagan ang mga taong yuyurak sa demokrasya at sa mga karapatan ng Filipino.
Ani Villarin, ang pagdiriwang sa EDSA ay kamukha ng Holocaust memorial na anim na milyong Hudyo ang pinatay ng isang baliw na itinawag na Hitler.
“EDSA People Power also showed us the way out of the darkest depths of humanity under the Marcos dictatorship where thousands were killed and many are still missing,” ani Villarin.
Aniya, nagbabadya na naman nang ganitong klaseng kadiliman sa bansa na ang katotohanan ay inililibing sa “fake news.”
“Democratic institutions are reduced to symbols without substance, where power is abused with impunity and abandon, when a state policy of violence strikes against the poor and powerless, and voices of dissent are stifled by incarceration and slut-shaming of women who dared cross swords with the man in Malacañang,” ayon kay Villarin.
“Hindi ito (EDSA People Power) basahan na itinatapon matapos gamitin kundi isa itong mitsa na puwedeng sindihan anomang oras para muling ipaglaban ang demokrasya’t kalayaan,” ani Villarin.
(GERRY BALDO)