SOBRANG thankful ang magaling na komedyanteng si Bayani Agbayani sa mga dumarating sa kanyang projects ngayon. Isa na rito ang pelikulang Pansamantagal na siya mismo ang bida at leading lady niya rito si Gelli de Belen.
Kakaibang RomCom ito mula sa Horseshoe Studio at sa pamamahala ni Direk Joven Tan. Mapapanood na sa bandang third week ng March ang pelikula na tinatampukan din ni DJ Chacha.
Sa ngayon ay baka higit sa seven million views na ang trailer nito. Kasi, nakaiintriga ang ilan sa dialogues dito nina Bayani at Gelli na binanggit ang salitang tit- or penis sa Ingles. Actually, nang napanood namin ang trailer nito ay nagulat din kami sa ilang daring na dialogue rito, na pati si Gelli ay game na sinabi ang salitang tit, although naka-bleep ito sa trailer.
Anyway, inusisa rin namin si Bayani kung ano ang masasabi niya sa leading lady niya sa pelikulang Pansamantagal?
Sagot ng Kapamilya comedian, “Ang galing niya at saka mabait si Gelli. Matagal ko na siyang pinapanood… and idol ko iyan kasi, e.”
Ano ang dapat i-expect ng manonood sa movie nila? “First time ako na iyong talagang nag-drama, iiyak, ganoon… Pero siyempre ay may comedy din dito. Hindi puwedeng wala, kasi iyon na ang pinaka-tatak ko, e,” nakangiting sambit ni Bayani.
Nanibago ba siya na rito ay magkahalong drama at comedy ang ginawa niya? “Hindi naman ako nanibago na nag-comedy at nag-drama ako, pinaghandaan ko ito kasi talaga nang nabasa ko pa lang ang script.”
Ipinahayag din ni Bayani na sobrang thankful siya sa nangyayari sa kanyang showbiz career ngayon. ”Nagpapasalamat ako kay Lord, kasi hindi ko na pinaplano ang career ko, e. Hindi ko nga alam na makababalik pa ako sa TV. Plus, may isa pa akong moview, ‘yung Feelinials (Feeling Millenials), na kami ni Ai Ai (delas Alas) ang bida naman.
“Kaya thank you po Lord, happy ako na nabibigyan ako ng mga ganitong project, na ang mga leading lady ko pa ay tulad nina Gelli at Ai Ai,” wika pa ni Bayani.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio