PABOR si Pangulong Rodrigo Duterte na isapubliko ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang listahan ng narco-politicians para maging gabay ng mga botante sa pagpili ng mga kandidato sa 2019 midterm elections.
Sa panayam sa Palasyo, pinayohan ni Pangulong Duterte si Cebu-based businessman Peter Lim na magpakamatay na lang kaysa sumuko sa kanya.
Si Lim ay isa sa inakusahang bigtime druglord na kinasuhan ng Department of Justice noong 2016.
“I am warning ‘yung mga nasa Visayas. Peter Lim if I were you I would commit suicide, never ever surrender to me alive, you will commit suicide. I-abbreviate mo na ikaw pa magtali sa leeg mo,” anang Pangulo.
Giit niya nananatiling banta sa pambansang seguridad ang illegal na droga. Matatandaan, isiniwalat ng Pangulo noong 7 Hulyo 2016 na ang mga responsable sa pagpapakalat ng illegal drugs sa buong bansa ay sina Wu Tuan alias Peter Co , Herbert Colangco, Peter Lim at ret. police general Marcelo Garbo.
(ROSE NOVENARIO)