ILANG araw matapos pirmahan ni Pangulong Duterte ang Rice Tariffication Law, nagpahayag ng pangamba ang ilang kongresista sa magiging epekto nito sa magsasaka.
Ayon kay Butil Rep. Cecil Chavez, ang kongresista ng mga magsasaka, bumagsak agad ang farm gate price ng palay sa P14 kada kilo.
Sa press conference kahapon, nagbabala si Chavez, na magdurusa ang sektor ng agrikultura dahil sa nasabing batas.
“Napakalungkot ang klima ngayon, napakalungkot ng ating mga magsasaka lalo’t P14 na lamang ang presyo ng palay sa Nueva Ecija,” ani Chavez.
“Kapag walang natirang magsasaka dahil wala na silang maaaring kitain dito lahat po tayo rito, kahit hindi tayo magsasaka apektado tayo,” dagdag ni Chavez.
Nagbanta si Chavez na idudulog niya sa Korte Suprema ang batas kapag ipinatupad ito kahit walang “implementing rules and regulations (IRR).”
“Ito pa nga lang po, masakit na sa mga magsasaka, paano pa po kaya ‘pag lalo pang bumaba ang presyo ng palay?”
“Hindi ba gano’n din ang ginawa nila sa langis at koryente? Paano tayo nakasisiguro na hindi tataas ang presyo ng bigas in the future? Sa ngayon puwedeng oo baka bumaba, pero pagdating ng panahon iyon ang kinakatakutan ko,” pangamba ni Chavez.
Aniya, sa mga darating na araw maaari pang bumaba ang farm gate price ng palay sa P12 o karumbas ng gastos sa produksiyon nito.
“Hindi ba iyon din ang sabi nila dati: Let the market prices determine the price of the product,” ani Chavez.
ni Gerry Baldo