ARESTADO ang isang Pakistani sa mga operatiba ng Makati City Police Station Anti-Carnapping Unit sa isinagawang entrapment operation ng pulisya matapos tanggapin ang natitirang bayad sa isinanlang karnap na sasakyan sa lungsod, kamakalawa ng hapon.
Kasong carnapping (RA 10883) at estafa ang kakaharapin ng suspek na si Raj Kumat Dadlani Jr., y Motwani, 37, binata, naninirahan sa Teresa Street, Barangay Valenzuela, Makati City.
Kinilala ang biktima na si Larry Daroca at Lucas Mangabat, kapwa nasa hustong gulang.
Base sa ulat ni S/Supt. Rogelio Simon, hepe ng pulisya, nagkasa ng entrapment operation ang AnCar Unit laban sa suspek sa Cash and Carry Mall, sa Makati City, dakong 5:30 ng hapon.
Sa report, nakombinsi ng complainant na si Mangabat ang dayuhang suspek na bayaran ang natitirang balanse sa isinanlang karnap na sasakyan ni Darroca na sanhi ng pagkakadakip ni Dadlani.
Batay sa kuha ng CCTV footages, isang foreign looking person ang nangarnap sa isang nakaparadang Hyundai Van H100 shuttle body sa harapan ng bahay ni Darocca sa Sampaloc St., Bgy. San Antonio, Makati City, nitong 9 Enero, bandang 10:00 ng gabi.
Nakatanggap ng impormasyon ang AnCar nitong 16 Pebrero na ang sasakyan ay isinanla ng suspek sa Batangas City.
Nagsagawa agad ang awtoridad ng follow-up operation at nadiskubreng nakasanla ang sasakyan kay Mangabat sa Paharang East, Batangas City.
Natuklasan ni Mangabat na kahina-hinala ang mga papeles ng sasakyan ng dayuhan kaya nagsuri siya sa may-ari nito sa pamamagitan ng Facebook at iniulat niya sa pulisya ang nasabing insidente dahilan ng isinagawang entrapment operation laban kay Dadlani.
Nakapiit ang suspek at nasa custodial facility ng Makati Police at sasailalim sa inquest proceedings sa piskalya ng lungsod. (JAJA GARCIA)