IBINALIK ng administrasyong Duterte ang isang kagawaran na mangangasiwa sa murang pabahay para sa mahihirap na Pinoy gaya noong panahon ng rehimeng Marcos.
Sa pamamagitan ito ng ipinalabas na Republic Act number 11201 o ang batas na lumilikha sa Department of Human Settlements and Urban Development.
Ang naturang kagawaran ay dating Ministry of Human Settlements na pinamunuan ni dating First lady Imelda Marcos.
Nakapaloob sa batas na tungkulin ng estado na magpatupad ng mga programang pabahay at urban development para sa mura, disente at maayos na resettlement areas para sa mahihirap at walang bahay nitong mamamayan.
Sa ilalim ng batas ay pagsasamahin ang tungkulin ng HUDCC at HLURB para sa pagpapatupad ng mga government housing program, at mangangasiwa sa homeowners association sa mga subdivision project.
Ang Department of Human Settlement and Urban Development ay magpapatupad ng single regulatory system para sa mga aktibidad na may kaugnayan sa planning, development, production, marketing at management ng housing and urban development projects, nang hindi nanghihimasok sa hurisdiksyon ng iba pang ahensiya ng gobyerno.
(ROSE NOVENARIO)