HINDI makita ng Malacañang sa aura ni Rappler CEO Maria Ressa ang isinisigaw nitong chilling effect, intimidation at banta sa press freedom kasunod ng ginawang pag-aresto ng NBI dahil sa kasong cyber libel.
Sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo, kahapon pa niya inoobserbahan si Ressa hanggang kaninang umaga at tila nag-e-enjoy sa kanyang naging sitwasyon.
Ito ayon kay Panelo ay taliwas sa ipinangangalandakan ni Ressa na nakatatakot ang nangyayari ngayong legal acrobatics na naglalayong patahimikin ang mga nasa pamamahayag.
Tanong ni Panelo, paano sasabihing totoo ang mga binibitiwang salita ni Ressa gayong kahit nasa kustodiya ng NBI ay malaya pa rin siyang nakapagsasalita at tuloy-tuloy pa rin sa pagbanat.
Kung tutuusin sabi ni Panelo ay natutuwa pa ang CEO ng Rappler dahil maikokonsiderang isang badge of honor kapag ang isang journalist ay nasampahan ng libel.
(ROSE NOVENARIO)