DAHIL sa napabayaang kandila nauwi sa pagkasunog ng dalawang bahay na sinabing pinagbatakan ng droga ng isang drug suspect sa Makati City, kahapon ng umaga.
Hinuli agad ng awtoridad ang inginusong suspek na si Jhayson Camposano, 27, scavenger, ng H. Santos St., Barangay Tejeros, Makati City.
Inireklamo siya nina Armando Serrano, 58, may kinakasama, contractual maintenance, may-ari ng bahay, at Maria Teresa Perez Aurora Samson, nasa hustong gulang, kapwa residente sa nasabing lugar.
Ayon sa ulat ni Fire Supt. Roy Quisto ng Makati Fire Department, dakong 6:06 am, nang magsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng inuupahang silid ng suspek sa nabanggit na lugar.d
Nauna rito, nagkaroon umano ng pot session sa nirerentahang kuwarto ni Camposano at sa ginamit nilang kandila nagmula ang pagsiklab ng apoy.
Nagresponde ang Bureau of Fire Protection – National Capital Region (BFP-NCR) at iba pang fire volunteers sa lugar.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago naapula bandang 7:00 ng umaga.
Walang naiulat na nasaktan o namatay sa insidente ngunit tinatayang P100,000 ang kabuuang halaga ng natupok na mga ari-arian.
Itinuro ng isang testigo ang suspek na si Camposana na siya umanong nagpabaya sa kandila at nagdulot ng sunog sa lugar kaya inaresto siya ng mga pulis.
Narekober sa suspek ang dalawang selyadong pakete ng umano’y shabu, drug paraphernalia, isang coin purse, Nokia cellphone at P92 cash.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng awtoridad sa insidente habang mahaharap naman sa kasong Arson at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) sa Makati Prosecutor’s Office ang suspek.
(JAJA GARCIA)